Nº. 1 of  21

Ang Kapalaluan

Musa Insurekta

Fidel Rillo

Hindi ako magtatanong kung kailan ka darating
Wala ka man sa paningin, ang buhok mo’y lumulugay
Na mithiin sa puso kong nangangarap ng bituing
Nagliliyab sa sentido ng lahat ng walang malay.

Hindi ako naghahangad na lagi ka sa tabi ko:
Di man kita nayayakap, ang tinig mo’y umiigkas
Na kamao sa dibdib kong may kidlat na lumulukso’t
Nagnanais na tumarak sa bungo ng mararahas

Pagkat ako ang sugatang mandirigmang umiibig
Sa paglaya, ang puso ko’ymaghahanap ng paglingap
Sa awit mong nanghihiram ng indayog sa talahib.
At sa tuwing ang puso ko’y nangangarap ng balikat,

Ay alam kong nariyan kang may pulbura ang harana;
Awit akong magliliyab sa ngalan mo, Alma Rosa…

Hantik sa Luad

Ilang ulit kong itinaga
ang ulo ng piko sa lupa,
dahan-dahang gumawak
ng uka sa gitna ng ginapas
na parang. Dito, nililigiran
ng dahong lagás at pugtong
ugat, iduduyan ko nang
buong ingat at kalinga,
ang binhing pangako ng pagyabong
at paglago ng puno ng bignay.

Sa binulatlat na butas,
mapapansin kong may bulateng
umaalumpihit sa sinag ng araw,
hinahanap marahil ang dating
kumot ng dilim at alikabok. Bigla-
bigla, sasakmalin ito ng hantik,
hahatakin mulang pagkakabaon
hanggang ang buong haba ng
bulateng kumikiwal-kiwal
ay walang kawalang kumakawag
sa hangin sa pangil ng hantik.

At tititigan ko ang tagpo sa sinugatang lupa,
hanggang bumanaag sa aking
kayumanggi ang aking balat
kakulay ng luad.

4 Enero 2014

May Libingang Yungib sa Bundok Kabuyaw

Walang matanaw. Sa halos rurok
ng Bundok Kabuyaw, makapal
na kulap ang langit, abuhing
tabing na nagpiring sa aming
pangamba’t alinlangan nang
mapansing, sa laylayan ng abot-
tanaw, may bágnos papailang.

Lumagos kami sa pagitan ng
mga talahib, sa lilim ng mga
punong tila nagtatanod o
nananakot sa kulap at kulimlim.
Tahimik dito ang daigdig.
Malagim at malamig. Kaya
dahan-dahan, tulad ng sukal
numipis ang tapang nami’t
pananabik. Saka namin naalaalang
ayon sa sabi-sabi, may yungib sa dulo
ng binabagtas na bagnos. Sinaunang
libingan daw ng mga Ifugaw.

Nagtumindig ang talahib sa paligid,
nagbadyang puntod ang bawat bato,
at sumipsip ng mga lihim na di-maungkat
ang mga hubad na ugat ng mga puno.
Tunay,may hiwagang taglay ang mga
patay na bagay. Kaya pumipintig ang
pulang lupa sa takot at pananabik tuwing
may mabubulabog na alikabok
o batong dadausdos palusong sa luslos.

Walang huni sa hanging patay at
humahalik ang langit sa lupa.
Sa kalayuan, nababana-banaagan
ang Baguio, tila tagimpan o
pangitaing nag-aabang.
Tulad ng palaisipang nagmumulto
sa bawat bagong liko: ano kaya
ang susunod? Nanggigilalas
sa mga sulyap sa hinaharap
na landas, hahakbang kami
muli, di inda ang banta ng bangin,
o ang biglang pag-ihip ng hanging
mapagbiro kang itutulak upang
sa ilalim ng isang batong walang
tanda sa ilang biglang bawian
ng malay.

3 Enero 2013

Marahil, panitikan ang pinakamalumbay na uri ng sining. Dahil nagpupumiglas laban sa unibersal na pagtangkilik ang mismong ubod nito — dahil wika, hindi panlasa paningin pandinig pang-amoy o pandama ang umiiral.

Kulap

Sa kapal ng kulap, hindi
ko mamukhaan ang kapatid
ko. Ngunit naaalaala ko ang kulay
ng damit niya, ang tikas niya’t tindig,
ang hugong ng tinig, kaya
alam kong
siya
ang kumakaway sa akin
mula sa kantong hanggahan
ng binaliting abot-tanaw.

Ngunit ano ang katibayan ko?
Hindi ko siya makilalang
tunay; ang tanging kong kilala:
bunton ng damit
kulay tunog aninong maaari
magbago sa bawat bagong tama
ng ilaw o ihip ng hangin.

Lusis

Ngayong gabi,
puspos ng pulbura’t putukan ang hangin,
patiwarik bumubulusok ang mga bulalakaw,
at yumuyukod ang mga bituing natutupok.

Ngayong gabi,
kahon sa lupa ang liwanag. Ansisilaw
na lalapitan at pagniningasin. Lagablab
ng lumang ligaya at pagsisisi
ang posporo. Hahakbang ako paurong,
at kagyat iimbulog, at papatak
ang isang libong talang magniningas
nang isang iglap bago matugnaw,
pasuin ang mata at maging alaala.

Bukas, gigising ako nang maaga
at magwawalis sa labas ng kahon-kahon ng lusis
at sunog-sunog na papel ng kwitis.

1 Enero 2014

Oda sa Paról
Narito ang ugat ng lahat – ng apoy, ng bakal, dagitab, sarili, daigdig. Dito, kalawakan na nangagbabangon ng mga buntala sa kislap ng lintik ang bawat hugpungan ng mga neurona. Masdan: bawat tuldok dito’y sinag-talàng may pangakong taglay: búkas, walang-hangga ang posibilidad. Pagwasak, paglikha, kambal sa bituin. Tandaan, sa iyo ay may nananahang isang uniberso.
Ang lupaing ito ay dinadaluhong t’wina ng buhawi’t alon. Dito, daniw na’ng mga tahanang lukob ng daluyong, o bahay na hubad sa hihip ng hangin. Ngunit h’wag masindak sa sigwa, kahiman ang bagyong bulangit ay labis sa lakas; ayon sa matandang alamat, kinapal itong sansinukob mulang tubig-alat. Tandaan: pagtaog ng dagat, may hatid na binhing sisibol pagkati ng tubig.
Ang tala’y sagisag ng pag-asang lantay –  maningning na mithing kandila sa langit, na di napaparam ang taglay na tanglaw, kahiman tumupad ng hiling na labis. Kaya sa pangakong pagsibol ng baha, narito ang aming taospusong alay:  unibersong anong niningning ng tala – pula, bughaw, dilaw – at pawang kakulay ng bukangliwayway.
Tandaan, sa iyoay may nananahang isang uniberso.

Oda sa Paról

Narito ang ugat ng lahat – ng apoy,
ng bakal, dagitab, sarili, daigdig.
Dito, kalawakan na nangagbabangon
ng mga buntala sa kislap ng lintik
ang bawat hugpungan ng mga neurona.
Masdan: bawat tuldok dito’y sinag-talàng
may pangakong taglay: búkas, walang-hangga
ang posibilidad. Pagwasak, paglikha,
kambal sa bituin. Tandaan, sa iyo
ay may nananahang isang uniberso.

Ang lupaing ito ay dinadaluhong
t’wina ng buhawi’t alon. Dito, daniw
na’ng mga tahanang lukob ng daluyong,
o bahay na hubad sa hihip ng hangin.
Ngunit h’wag masindak sa sigwa, kahiman
ang bagyong bulangit ay labis sa lakas;
ayon sa matandang alamat, kinapal
itong sansinukob mulang tubig-alat.
Tandaan: pagtaog ng dagat, may hatid
na binhing sisibol pagkati ng tubig.

Ang tala’y sagisag ng pag-asang lantay –
maningning na mithing kandila sa langit,
na di napaparam ang taglay na tanglaw,
kahiman tumupad ng hiling na labis.
Kaya sa pangakong pagsibol ng baha,
narito ang aming taospusong alay:
unibersong anong niningning ng tala –
pula, bughaw, dilaw – at pawang kakulay
ng bukangliwayway.

Tandaan, sa iyo
ay may nananahang isang uniberso.

Nasasabik sa paparating na limang taon ng pag-aaral ng sining ng paghilom kasama ng napakatatalino at napakamalilikhaing taong ito.
Anumang sigwa’ng sapitin, susuungin, pahuhupain. Dahil daigdig ay atin.
UPCM Class 2018

Nasasabik sa paparating na limang taon ng pag-aaral ng sining ng paghilom kasama ng napakatatalino at napakamalilikhaing taong ito.

Anumang sigwa’ng sapitin,
susuungin, pahuhupain.
Dahil daigdig ay atin.

UPCM Class 2018

Tagistis ng Ulan

Bienvenido Lumbera

Tagistis ng ulan sa aking bintana,
anino ng sangang hinagkan ng buwan –
sa bawat sandali’y gising ang gunita,
may iginuguhit na multong balangaw,
diwa’y sinisidlan ng libong larawang
parang mga bulang mabuo-malusaw.

Ang alaala mo’y bulang kinikimkim,
inaaring hiyas na kukuwintasin –
iniisa-isa ang mahal na butil,
at binubuhay ka sa piping dalangin.
Sa pag-aakalang ako’y maaaliw,
ang pangungulila’y lalong pinatalim.

Muntik na Kitang Inibig

Muntik na kitang inibig
Kung hindi ka nagpaalam
Pagkatapos ng ating malalagkit
Na magdamag
Habang nanlalamlam
Ang aking mga sinumpaang pananalig.

Marikit ka’t madaling
Magsiklab ang pisngi’t balakang;
Pinakain mo ako ng apoy
At sinunog ang kaliwang kilay.
Napakarupok ng aking tadyang
Kapag ginagalugad ng iyong ningas.

Ngunit yelo ka pagkatapos
Matupok –
Tinutubuan ng banyagang bagwis.
Muntik na, muntik na kitang inibig
At sinundan
Sa mailap na pagkalusaw
Kung hindi ko sinikil ang dibdib.

Kaya ngayon ang puso ko,
Heto’t nag-iingat
Ng matanda’t patay na relo.

 Rio Alma

Nº. 1 of  21